Pagsasasagawa ng Joint session para talakayin ang Martial Law sa Mindanao, iginiit ng liderato ng LP

Manila, Philippines – Iginiit ni Liberal Party o LP President Senator Francis Kiko Pangilinan sa mga kapwa niya mambabatas na dapat ay magsagawa ng joint session ang Kongreso tungkol sa Martial Law at suspensyon ng pribilehiyo ng Writ of Habeas Corpus sa buong Mindanao.

Batid ni Pangilinan na hindi inuutos ng konstitusyon na aprubahan ng Kongreso ang dalawang matitinding kapangyarihang ito.

Pero katwiran ni Pangiinan, inuutos naman ng konstitusyon sa mga opisyal ng pamahalaan na managot, maging bukas, at ipatupad ang karapatan ng mamamayan sa mga usapin ng pampublikong interes.


Ito ayon kay Pangilinan, ang batayan para magsagawa ng joint session.

Pwede naman aniyang idaan sa executive session kung may mga sensitibong usapin na maaaring ikompromiso ang patuloy na operasyon sa Marawi at ang kaligtasan ng ating mga sundalo roon.

Sa joint session ay nais malinawan ni Pangilinan kung sino ang target ng suspension ng Writ of Habeas Corpus na syang naguutos na iharap sa hukom ang isang tao na pinaniniwalaang inaresto o ikinulong sa iligal na paraan.

Hindi katanggap-tanggap para kay Pangilinan na ang pag-revoke ng Martial Law ay nangangailangan ng joint session, habang hinahayaang walang opisyal na debate sa pagkitil sa karapatan ng mamamayan dulot ng pagiral ng batas militar at suspension ng Writ of Habeas Corpus.
DZXL558, Grace Mariano

Facebook Comments