Pagsasauli ng pondo ng PhilHealth, walang epekto sa benepisyo ng mga miyembro

Walang epekto sa kontribusyon ng mga miyembro sa pagbalik ng excess fund ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.

Ito ang tiniyak ng Department of Finance (DOF) kasunod ng panibagong pag-transfer ng PhilHealth ng halagang P10 bilyon sa National Treasury.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOF Dir. Euvemil Nina Asuncion na kahit kunin ang kabuuang P89-B ay may matitira pa ring P550-B sa pondo ng PhilHealth.


Sapat aniya ito para sagutin ang pagtaas sa benepisyo ng mga miyembro sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Nilinaw rin ng opisyal na walang kinalaman sa fund transfers ang pagtaas ng PhilHealth premiums kundi probisyon ito ng Universal Health Care Law.

Sa kabuuan ay umabot na sa P30-B ang naibalik na pondo ng PhilHealth, kung saan P20-B dito ay noong nakaraang buwan at P10-B ngayong Agosto.

Facebook Comments