Pagsasauli ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara ng ₱110-milyon, hindi sapat

Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila de Lima na hindi sapat ang pagsasauli ni dating Department of Public Works and Highway (DPWH) District Engineer Henry Alcantara ng ₱110-milyon sa Department of Justice (DOJ).

Giit ni de Lima, katiting lang ang nasabing halaga kumpara sa trilyong pisong napunta sa mga kickback at bulsa ng mga nagsabwatan sa mga maanomalyang proyekto.

Diin ni de Lima, hindi makukuntento ang mga Pilipino sa tingi-tingi lang na pagsasauli ng mga kinulimbat sa kaban ng bayan.

Bunsod nito, iginiit ni de Lima sa gobyerno na bilis-bilisan ang pagsasampa ng kaso at pagbawi sa lahat ng mga nakaw na yaman.

Dagdag pa ni de Lima, dapat ding bantayang mabuti kung saan gagamitin ang mga nabawing ninakaw na pera ng taumbayan upang matiyak na ito ay pakikinabangan ng mamamayan.

Bukod dito, muli ding umapela si de Lima na bilisan ang pagsasabatas ng panukalang pagbuo ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption para sa mas malakas, mas komprehensibo, mas patas, at tunay na independent commission para imbestigahan ang mga maanomalyang proyekto ng gobyerno.

Facebook Comments