Naghain ng petisyon sa Supreme Court ang Makabyan Bloc na nagpadedeklara na labag sa konstitusyon ang pagsertika ng pangulo bilang urgent sa panukalang paglikha ng Maharlika Investment Fund o MIF para matugunan ang public emergency o calamity.
Giit ng Makabayan Bloc sa Kataas-Taasang Hukuman, ideklara din na unconstitutional at walang bisa ang pag-apruba ng Mababang Kaplungan sa MIF Bill noong December 15, 2022.
Kasama rin sa hiling ng Makabayan Bloc na maglatag ng patakaran ukol sa paggamit ng Presidential Certification sa ilalim ng VI, Section 26 ng 1987 Constitution.
Layunin nito na matiyak na umaayon sa intensyon at layunin ng ating Saligang Batas ang paggamit ng pangulo sa naturang kapangyarihan.
Katwiran ng mga petitioner, matagal nang panahon na naabuso ang presidential power na nagsisertipika sa mga panukalang batas bilang urgent kung saan napapadali ang proseso ng pagpasa nito.
Kinukwestyon din ng Makabayan Bloc kung bakit ang certification as urgent ng MIF Bill ay tanging para sa Kamara lamang at walang kaparehong sertipikasyon para sa Senado na patunay na hindi ito kailangan sa ngayon.