Umalma si Senator Risa Hontiveros sa pagsertipika ng Palasyo sa Maharlika Investment Fund Bill bilang urgent.
Giit ni Hontiveros, masyadong baluktot at lutang ang mga dahilan ng mga nagsusulong ng panukala para madaliin ang pag-apruba sa Maharlika Fund.
Sinabi pa ng Senior Deputy Minority Leader na walang ‘surplus’ o sobrang pondo na mapagkukunan para sa Sovereign Wealth Fund dahil paubos na ang kita ng Malampaya oil and gas fields at hindi pa naipapasa ang panukalang batas na magpapataas sana sa kita ng gobyerno mula sa mga minahan.
Nababahala ang senadora na dahil walang sobrang pondo, ang kumikitang pondo naman ng Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP) ang pag-iinteresan para maipilit ang pagkakaroon ng Maharlika fund.
Maging ang pondo aniya para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay gusto ring gamitin.
Nangangamba si Hontiveros na sa pagpupumilit sa Maharlika fund ay magiging kawalan naman ito para sa mga magsasaka, maliliit na negosyo at makakaapekto sa estado ng pananalapi at sa buong ekonomiya ng bansa.
Ipinunto pa ni Hontiveros na walang iba mas urgent o mas dapat na madaliin ngayon ang gobyerno kundi ang pagprayoridad sa social services, agrikultura, transportation sector at ang energy sector.