
Ikinalugod ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima ang pagsusulong ni House Speaker Faustino Bojie Dy na maisabatas sa lalong madaling panahon ang mga panukalang batas para sa Anti-Political Dynasty at paglikha ng Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC).
Bunsod nito ay iginiit ni De Lima kay Speaker Dy na hilingin kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang nabanggit na mga panukalang batas para mapabilis ang pag-usad at pagpapatibay sa mga ito.
Ayon kay De Lima, babantayan nilang mabuti ang naging pahayag ni Dy.
Diin ni De Lima, hindi dapat patagalin ang panukalang magpapalakas sa kapangyarihan ng Independent Commission for Infrastructure upang hindi ito matulad sa panukalang Anti-Political Dynasty Act na nabinbin lang ng maraming dekada.
Ayon kay De Lima, kailangang mabigyang-daan agad ang pagpapanagot sa sangkot sa mga anomalya na daan sa pagpapatupad ng mabuting pamamahala na tapat sa taumbayan at hindi sa mga padrino at pansariling agenda.









