Ginarantiyahan ni Ways and Means Vice Chair at AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ang positibong epekto sa ekonomiya kapag naisabatas na ang New Public Service Act, Foreign Investments Act, at Retail Trade Liberalization Act.
Ang pahayag ng kongresista ay matapos sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong economic bills.
Binigyang-diin ni Garin, principal sponsor ng mga panukala sa Kamara, na ang pagluwag sa ekonomiya ay makatutulong sa COVID-19 response ng pamahalaan at magbibigay din ng mga bagong oportunidad sa mga Pilipino.
Ilan pa aniya sa mga positive economic outcome ng economic measures ay mas maraming trabaho, pagpapabuti sa kalidad ng human resource at matatag na paglago ng ekonomiya.
Makakatulong din ang pagpasok ng teknolohiya mula sa mga advanced na bansa para sa economic development at productivity ng local workforce.
Ngayon ay aabot na sa 1.5 million na mga manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ), mahalagang magamit ng gobyerno ang anumang paraan na makapagpapataas ng kita at makatutugon laban sa epekto ng pandemya sa ekonomiya.