Pagseselyo ng baril ng mga pulis, ipapaubaya na ng DILG sa Director at Commander ng PNP

Ipinapaubaya na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Director at Commander ng Philippine National Police (PNP) ang pagseselyo ng baril ng mga pulis.

Sa panayam kay DILG Secretary Eduardo Año, dati nang ginagawa ng opisyal ng mga PNP ang pagseselyo sa service firearms ng mga pulis para maiwasan ang pagpapaputok ng mga ito sa selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.

Sinabi pa ni Año na para sa kaniya, epektibo ang pagseselyo ng baril ng mga pulis para masigurong hindi nila ito gagamitin kung hindi kinakailangan.


Ang mga selyo naman ay pinipirmahan ng mga Commander at Director ng PNP upang masiguro na hindi ito tatanggalin.

Matatandaang noong 2019 ay hindi sinelyuhan ang baril ng mga pulis sa holiday season kung saan base sa datos ng PNP, wala silang naitalang tinamaan ng ligaw na bala at kaso ng indiscriminate firing.

Facebook Comments