Manila, Philippines – Tiniyak ng isang kaalyado ng Pangulong Duterte sa Kamara na hindi maaapektuhan ang mga myembro ng Gabinete sa ginawang pagsibak kay DILG Sec. Mike Sueno.
Ayon kay Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles, hindi ito magpapahina sa pamahalaan bagkus ay layon lamang ng Pangulo na protektahan ang kanyang gobyerno laban sa mga tiwaling opisyal.
Ito ay paraan din ng Presidente para ituro sa mga cabinet members ang disiplina at tinutupad lamang ni Duterte ang pangako nitong lilinisin ang pamahalaan laban sa mga gumagawa ng anomalya at iregularidad sa gobyerno.
Malinaw dito na hindi korap ang Pangulong Duterte kaya naman asahan na hindi niya kukunsintihin ang mga iligal na gawain kaibigan man ito o kakampi sa pamahalaan.
Patunay lamang aniya na hindi ginagamit ng Pangulo ang kanyang mataas na posisyon para proteksyunan ang mga kaalyado sa gobyerno.