Hiniling ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sibakin ang lahat ng opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP at Civil Aeronautics Board o CAB dahil sa bigong pagtupad sa kanilang mandato.
Bukod dito ay iginiit din ni Rodriguez kay PBBM na sipain sa pwesto ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa sablay na direktang pag-supervise sa nabanggit na mga ahensya.
Mungkahi ito ni Rodriguez kay Pangulong Marcos sa gitna ng kapalpakan sa aviation industry.
Pangunahing inihalimbawa ni Rodriguez ang kabiguan ng nabanggit na mga ahensya na parusahan ang mga airline companies na nagpabaya at sumablay sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga pasahero ng eroplano.
Hinikayat din ni Rodriguez ang Kongreso na suspendehin ang legislative franchise ng mga airline company na nakakadismaya at hindi katanggap-tanggap ang serbisyo sa publiko.
Binigyang-diin pa ni Rodriguez ang kabiguan ng CAAP na mapanatili ng mahusay ang operational and navigational system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).