Manila, Philippines – Dumaan sa due process ang pagsibak sa serbisyo kina Police Chief Supt. Edgardo Tinio at Police Director Joel Pagdilao.
Ito ang tinitiyak ni PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Sa katunayan aniya umabot pa ng mahigit 1 taon bago ang lumabas ang desisyon sa kaso ng 2 heneral dahil isinagawa ang masusing proceedings ng National Police Commission bago inirekomend sa Malacañang ang pagsibak sa mga ito.
Sinabi pa ni Dela Rosa, 6 na buwan ang itinagal bago napirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang rekomendasyon dahil inaral nya pa itong maigi.
Sa pagkakatanggal sa serbisyo ng dalawa, hindi na makatatanggap ng benepisyo sina Pagdilao at Tinio sa ilang taong pagseserbisyo nila sa PNP.
Nilinaw naman ng hepe ng PNP na hindi makukulong ang 2 dahil administrative case at hindi naman criminal case ang isinampa sa kanila.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang dismissal order ng dalawang police generals ay nag-ugat sa kanilang pagkakasangkot sa umano’y iligal na droga.
Matatandaan, sina Pagdilao at Tinio ay kasama sa limang narco-generals na pinangalanan ni Pangulong Duterte.