Iligal ang ginawang pagsibak sa trabaho ng isang employer sa kanilang empleyado na positibo sa HIV.
Ito ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong inihain ng isang Overseas Filipino Worker (OFW).
Nakasaad na 2017 nang lumipad patungong Saudi Arabia ang nagreklamo para magtrabaho bilang cleaning laborer.
Pero makalipas ang ilang buwan o noong January 2019 ay lumabas na positibo ito sa HIV.
Dito na tinerminate ng kaniyang employer ang kontrata dahil unfit to work ang isang HIV-positive sa ilalim ng batas ng Saudi Arabia.
Matapos pauwiin, naghain ng kasong illegal dismissal ang biktima pero ibinasura ng labor arbiter.
Kalaunan ay binaliktad ng National Labor Relations Commission ang kaso at iginiit na may naging paglabag ang recruitment agency na Bison Management Corporation at foreign recruitment agency na Sarajah Al Jazirah Contracting.
Ayon sa Korte Suprema, labag sa batas sa Pilipinas ang hindi makatarungang pagsibak sa mga empleyado dahil lamang positibo sila sa HIV.
Pinagbabayad din ng korte ang agency ng danyos para sa biktimang tinanggal sa trabaho.