Pagsingit ng ₱54.6 billion sa Bayanihan 3 para sa retirement ng mga uniformed personnel, kinuwestiyon ng isang senador

Kinuwestiyon ni Senator Leila de Lima ang pagkakalagay ng pensiyon para sa mga pulis, militar at iba pang uniformed personnel sa ilalim ng Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na maituturing na “repulsively misplaced” ang inilagay sa panukala lalo na’t nakatakda dapat itong tulungan ang mga pilipinong lubhang naapektuhan ngayon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay De Lima, sa ₱401 billion na pondo ay nagsingit pa ang mga mambabatas ng ₱54.6 billion para sa pensiyon ng militar at pulisya.


Ipinaliwanag naman ni Marikina City Representative Stella Quimbo na inilagay nila ito base na rin sa hiling ng Department of Budget and Management.

Giit pa ni Quimbo, ang naturang halaga ay tinaggal sa budget noong 2020 at kailangan nang ibalik dahil nakalaan talaga ito sa mga retired uniform personnel.

Ikinokonsidera rin naman aniya ang mga ito na frontliners na kabilang sa lumalaban sa banta ng pandemya.

Facebook Comments