Isinisi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa pagiging pabaya at kawalan ng pag-iingat ng kanyang mga nasasakupan ang biglaang pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Kasunod ito ng pagsasailalim sa Iloilo City sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula ngayong araw hanggang October 9.
Sa interview ng Rmn Manila, sinabi ni Mayor Treñas na bagama’t 14 na barangay ang isinailalim nila sa total lockdown, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit.
Aniya, tila nakalimutan na ng mga tao na mayroong virus.
“Our residents started feeling careless, ang mga tao umiinom, kumakain nang magkakasama, walang mask, so cases started to go up,” ani Treñas.
Tiniyak naman ng alkalde na ginagawa nila ng lahat para hindi mapuno ng mga COVID-19 patients ang mga ospital.
Bukod sa mga isolation centers, isang saradong ospital din ang hiniram ng lokal na pamahalaan at ginawang setdown facility para lahat ng mga recovering patients.