Hindi second wave ng COVID-19 ang dumaraming kaso ng impeksyon sa Cebu City.
Ito ang nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III matapos na ibalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang lungsod dahil sa pagsipa ng COVID-19 cases.
Ayon sa kalihim, ang sitwasyon ngayon sa Cebu City ay isa lamang “continuing sustained transmission” ng COVID-19.
Sa interview naman ng RMN Manila, iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque ang kahalagahan ng kooperasyon ng publiko at pagpapalakas ng healthcare system capacity ng lungsod para mapabagal ang pagkalat ng virus.
Samantala, pagkatapos ng Cebu City, sunod na susuriin ng mga opisyal ng gobyerno ang sitwasyon sa Leyte.
Ito ay makaraang mapaulat ang biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya matapos na dumating doon ang mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, kasama niyang magtutungo sa Tacloban City si National Task Force on COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr.