Tukoy na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang nasa likod ng paninira sa isang classroom sa lungsod na ginamit na evacuation center noong kasagsagan ng Bagyong Paeng.
Kaninang umaga, nakipagpulong na si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa isang out-of-school minor na sinasabing nasa likod ng pagsira sa blackboard kasama ang magulang nito.
Pero ayon sa alkalde, isolated lamang ang nasabing insidente.
Gayunpaman, pinag-aaralan nila ang posibleng parusa na maaaring ipataw sa menor de edad gaya ng community service.
“Sa kabuuan ng Muntinlupa, mga mahigit 10 evacuation sites ‘yon, mga 12 yata. Ito lang namang isang classroom ang merong ganitong insidente. Very isolated case naman siya,” ani Biazon sa interview ng RMN DZXL 558.
“Pero ini-highlight ko ito kasi gusto kong maging lesson sa lahat na magkaroon tayo ng disiplina sa ating sarili. Responsibilidad ng mga magulang ito e, ‘yung pagdidisiplina sa mga anak. Kasi yung ganitong behavior ng mga bata, sintomas ito ng medyo kakulangan ng paggabay ng mga magulang,” punto pa ng alkalde.
Samantala, nag-volunteer na ang barangay sa pagpapagawa ng nasirang blackboard sa Cupang Senior High School.
Pupulungin naman ni Biazon ang lahat ng mga barangay sa lungsod upang bumuo ng karagdagang panuntunan sa paggamit at pagbabantay sa mga evacuation center.
“Dahil sabi ko nga, opportunity to learn, bukas magmi-meeting din kami. Nagpatawag ako ng meeting sa mga barangay at mga concerned offices namin para mag-draw up ng additional protocols pagdating sa evacuation sites. Yung set-up ng system ng accountability sa pagbabantay ng mga facility, assignment ng mga tao na malalagay sa mga facility na yan,” dagdag niya.