Puspusan na ang ginagawang aksyon ng lokal na pamahalaan ng Cebu City matapos tumaas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay Cebu Mayor Edgardo Labella, naitala ang pagtaas ng kaso dahil sa mga pagtitipon noong holiday season at Pista ng Sto. Niño.
Aniya, 90 porsyento ng mga kaso sa lungsod ay asymptomatic o walang sintomas.
Kasabay nito, tiniyak ni Department of Health – Central Visayas Spokesperson at Chief Pathologist Dr. Mary Jean Loreche na nasa ‘safe’ level pa rin ang health care system sa kabila ng paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Cebu.
Una nang sinabi ng OCTA Research group na umabot sa 1.57 ang reproduction number ng virus na mataas kumpara sa reproduction number sa buong bansa na nasa 0.96 lamang.
Ang reproduction number na 1 o higit pa ay nangangahulugang nagpapatuloy ang COVID-19 transmission.
Ang positivity rate sa lalawigan ay nasa 6 percent matapos makapagsagawa ng testing ng 2,400 test kada araw.