Nakaambang magpatupad ng retrenchment o pagsisibak ng mga empleyado ang ABS-CBN kapag hindi pa rin nakabalik ang operasyon nito sa buwan ng Agosto.
Sa preliminary hearing ng Senate Committee on Public Services ay inihayag ni ABS-CBN President at CEO Carlo Katigbak na ayaw nilang mawalan ng trabaho ang kanilang mga empleyado ngayong may matinding krisis pero malaki na ang nawawala o nalulugi sa kanila.
Ayon kay Katigbak, patuloy pa nilang bibigyan ng sweldo ang kanilang mga empleyado sa loob ng tatlong buwan simula nang magsara sila nitong May 5, 2020 bilang pagsunod sa atas ng National Telecommunications Commission (NTC).
Binanggit ni Katigbak na nasa 11,000 ang kawani ng ABS-CBN Group of Companies at 5,000 sa ABS-CBN Corporation.
Sabi ni Katigbak, hangad nila na pang-25 taong prangkisa na ipagkakaloob ng Kongreso pero tatanggapin na rin nila ang hangang Oktubre na prangkisa kung ito ang pinakamabilis na paraan para makabalik sila sa ere.