
Tigil muna ang underwater search operations ng Philippine Coast Guard sa Taal Lake ngayong Biyernes.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), ito ay dahil sa masamang panahon na nararanasan at malabong tubig sa lawa kung kaya’t nahihirapan ang divers na maghanap sa mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon dito.
Sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, pansamantalang ititigil ang operasyon hangga’t hindi pa gumaganda ang lagay ng panahon.
Samantala, ngayong Biyernes din nang bumisita sa DOJ si Julie Patidongan o Alyas “Totoy” na siyang nagbunyag ng mga impormasyon sa pagkawala ng mga sabungero.
Sabi ni Remulla, nasa mahigit 30 suspek na may koneksiyon sa kaso ang kanilang sinisilip ngayon.
Sa ngayon ay pinag-uusapan pa raw ang tungkol naman sa posibilidad na gawing state witness si Patidongan habang nananatili rin silang bukas sakaling humiling ito na ilagay sa Witness Protection Program.
Patuloy rin aniya ang DOJ sa imbestigasyon para tukuyin ang kaugnayan ng kaso ng mga nawawalang sabungero sa kampanya kontra iligal na droga ng nakaraang administrasyon.









