Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang pagtaas ng kaniyang trust rating sa OCTA research survey ay dahil sa mga ginagawa ng administrasyon para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino.
Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ng pangulo na maaaring ramdam na rin ng publiko ang epekto ng kanilang mga pagsisikap.
Inspirasyon aniya ito para sa pangulo na higitan pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito para maitaas ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Dagdag pa ng pangulo, posibleng nakatulong din ang pag-iikot niya sa iba’t ibang lalawigan para mamahagi ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Sa pinakahuling OCTA Research 2nd Quarter survery, tumaas sa 71% ang trust rating ng pangulo mula sa 69% habang bumaba naman sa 65% ang trust rating ni Vice President Sara Duterte, mula sa 68%.