Cauayan City, Isabela- Nauwi sa palitan ng putok ng baril ang paghain ng warrant of arrest ng mga kasapi ng PNP Gattaran sa isang top most wanted person sa Lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Edwin Aragon, hepe ng Gattaran Police Station, nagtungo ang kanyang tropa sa Mabuno na isa sa pinamalaking barangay sa bayan ng Gattaran upang isilbi ang warrant of arrest sa isang Agta para sa kaso nitong Murder o pagpatay na itinuturing na Top Most wanted person sa Cagayan.
Nang makarating sa lugar ang mga arresting officer ay namataan ang ilang mga armadong kasapi ng New People’s Army (NPA) dahilan upang sila ay paputukan ng mga pulis na nagresulta sa sagupaan na tumagal ng halos 20 hanggang 30 minuto.
Nagawa aniyang humingi ng tulong sa tropa ang sampung mga pulis kaya’t napaatras din ang tinatayang nasa mahigit kumulang 60 na bilang ng mga nakasagupang rebelde.
Wala naman aniyang naitalang casualty sa hanay ng pulisya habang naniniwala ang hepe na may casualty sa panig ng mga rebelde.
Pero, naiwan naman ng tropa ng pamahalaan ang limang (5) motorsiklo na hiniram sa mga residente sa lugar na matagumpay na sinunog ng mga nakasagupang NPA.
Samantala, kasalukuyan pa rin ang manhunt operation ng otoridad laban sa wanted na katutubo.
Nananawagan naman ang Hepe sa mga residente sa lugar na makipagtulungan sa mga pulis at huwag matakot magsumbong upang maprotektahan laban sa banta ng mga NPA.