
Inihayag ng Pamahalaang Panlungsod ng Dagupan ang nalalapit na pagsisimula ng proyektong kalsada at drainage sa Sitio Abalaten, Brgy. Salisay—isang hakbang na inaasahang magpapabuti sa kalagayan ng mga residente sa lugar.
Kamakailan, inspeksyon ang lugar upang tiyakin ang maayos na implementasyon ng proyekto.
Ayon sa barangay council, malaking tulong ang konkretong kalsada at maayos na daluyan ng tubig upang mapaluwag ang trapiko at maiwasan ang matagal na pagbaha tuwing tag-ulan. Sa pamamagitan ng maayos na drainage system, mas mabilis na aagos ang tubig-ulan at mababawasan ang panganib sa mga kabahayan at motorista.
Bukod sa proyektong imprastraktura, personal ding tinungo ng alkalde ang isinasagawang Operation SITIO sa barangay. Layunin ng programa na matulungan ang mga komunidad na mababa at madalas bahain sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang materyales tulad ng dredging materials, graba, semento, at bakal.
Sa ilalim ng nasabing programa, ang pamahalaang lungsod ang naglalaan ng mga materyales habang ang mga residente naman ang sama-samang nagtutulungan sa aktuwal na pagsasagawa ng proyekto sa diwa ng bayanihan. Ipinapakita nito ang pagkakaisa ng pamahalaan at komunidad sa pagsusulong ng mga proyektong magdudulot ng pangmatagalang benepisyo.
Sa pagsisimula ng mga proyektong ito, inaasahang higit pang gaganda ang kalagayan ng Sitio Abalaten at magiging mas ligtas at komportable ang pamumuhay ng mga mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










