Hindi naman minamasama ng Kamara ang mga natatanggap na puna mula sa Senado kaugnay sa sinasabing pondo sa mga congressional districts na masyadong malaki partikular na sa mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, positibo naman ang pagtingin nila rito dahil ginagawa lamang ng Senado ang kanilang trabaho na suriin ang ipinasang budget ng Mababang Kapulungan.
Punto pa ni Atienza, ang liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang naghanda ng panukalang pambansang pondo pero hindi naman niya ito sinisisi.
Nakatitiyak naman ang kongresista na wala nang makikitang pork barrel sa budget na katulad noong panahon.
Para naman kay House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda, kung mayroon mang hindi pagkakasundo sa 2021 General Appropriations Bill (GAB) ay maaari itong plantsahin at ayusin sa bicameral conference committee.
Hinimok naman ni Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano si Senator Ping Lacson, na siyang sumita sa naturang malaking district allotment na pangalanan o tukuyin ang distrito at kongresista na nakatanggap ng mas malaking pondo.