Pagsugpo sa human trafficking, kailangang higit na pa-igtingin

Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na mas paigtingin ang kampanya laban sa lahat ng anyo ng human trafficking, kabilang na ang online sexual exploitation of children.

Sinabi ito ni Gatchalian, bagama’t napanatili ng Pilipinas ang “Tier 1” na status mula sa U.S. State Department para sa pagpapatupad ng minimum standards sa pagsugpo sa human trafficking.

Tinukoy ni Gatchalian na kung ikukumapara noong nakaraang taon ay mas mataas ang report na natanggap ng Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime ukol sa mga pinaghihinalaang kaso ng online sexual exploitation of children.


Bukod pa rito, ang mga ulat na ilang mga mag-aaral ay nagbebenta ng malalaswang mga larawan at mga video para makalikom ng pantustos sa distance learning.

Una rito ay inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1794 o panukalang magpapalakas sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 na nagtatakda ng mga pamantayan sa mga imbestigasyon, pagharang, at pag-uusig sa iba’t ibang anyo ng human trafficking, kabilang ang pang-aabusong sekswal, prostitusyon, at pornograpiya.

Sa ilalim ng panukala, sa mga kaso ng child trafficking ay maaaring pahintulutan ng mga regional trial court ang pagsasagawa ng imbestigasyon at pag-record sa mga komunikasyon.

Bibigyan din nito ng mandato ang mga internet service provider na harangin ang anumang uri ng child pornography habang inaatasan ang mga tourism-oriented establishments na magsagawa ng mga pagsasanay para sa kanilang mga staff laban sa human trafficking.

Facebook Comments