Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi makakaabante ang bansa kapag hindi nakamit ng kanyang administrasyon ang dalawang bagay.
Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa PDP-Laban Rally sa Negros Occidental ay sinabi nito na kung hindi masasawata sa loob ng kanyang administrasyon ang katiwalian at hindi makakamit ang tunay na kapayapaan sa buong bansa lalo na sa Mindanao ay hindi magde-develop ang ating bansa.
Sinabi ni Pangulong Duterte na ito ang mangyayari sa bansa kung walang gagawin ang kanyang administrasyon at ang taumbayan na solusyunan ang matagal nang problema sa katiwalian at hanapan ng solusyon ang kaguluhan sa Mindanao.
Ilang pangulo na aniya ang nagdaan pero hindi pa rin nagbabago ang sistema na pilit niyang binabago.
Ipinagmalaki pa ni Pangulong Duterte na marami na siyang sinibak sa posisyon at kabilang na dito ang ilang miyembro ng gabinete na matagal na niyang nakasama.
Binigyang diin pa ni Pangulong Duterte na ang hiling lang aniya niya sa mga nasa gobyerno ay tapat na pagtatrabaho at resulta ng mga trabaho.