Bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan, nagsagawa ng sabayang Oplan Sita ang Lingayen Police Station sa iba’t ibang estratehikong lugar sa Lingayen.
Ayon sa pulisya, layon ng operasyon na tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at sugpuin ang iba’t ibang uri ng kriminalidad, partikular ang riding-in-tandem na karaniwang ginagamit bilang modus operandi sa mga krimen sa lansangan.
Sa isinagawang Oplan Sita, binigyang-pansin ang inspeksyon sa mga motorsiklo, kabilang ang beripikasyon ng mga dokumento gaya ng OR/CR upang matukoy ang mga posibleng nakaw na sasakyan at maibalik ang mga ito sa lehitimong may-ari.
Kasama rin sa operasyon ang pagsusuri sa pagsunod sa mga panuntunan sa kaligtasan sa kalsada tulad ng pagsusuot ng tamang helmet, pagkakaroon ng side mirror, at paggamit ng pinahihintulutang muffler upang maiwasan ang aksidente at mabawasan ang polusyon sa ingay.
Sinuri rin kung may wastong lisensya ang mga nagmamaneho upang matiyak na tanging mga kuwalipikadong indibidwal lamang ang pinahihintulutang magmaneho sa lansangan.
Nagpaabot ng pasasalamat ang Lingayen Police Station sa mga motorista na naging maayos at kooperatibo sa isinagawang operasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










