Pagsuko ng 30 rebel returnees, pinasisilip sa Kamara

Pinasisilip ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang balitang pagsuko ng 30 New People’s Army (NPA) rebel returnees na iprinisinta ng NCRPO.

Kasabay kasi ng pagbabalik-loob sa pamahalaan ay ang sirkulasyon sa social media ng mga larawan ng mga sinasabing rebel returnees na nagbigay ng duda sa publiko.

Ayon kay Gaite, marami ang nagtaas ng kilay at kinwestyon ang mga litrato dahil ang mga sumukong NPA ay malalaki ang pangangatawan at yung iba ay may suot na gold na relo habang may isa ring rebelde ang may nakasukbit na susi ng kotse.


Sa tingin aniya ng mga netizens ay taliwas at malayo ang itsura ng mga ito sa mga karaniwang gerilyang sumusuko sa gobyerno.

Seryoso aniyang isyu ito dahil kung peke man ang mga rebel returnees ay hindi malabong mapupunta sa bulsa ng ilang mga opisyal ang pondo para sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.

Sa ilalim ng programa ay makakatanggap ang mga surrenderees ng P160,000 o higit pa mula sa pamahalaan.

Bukod sa pinaiimbestigahan ang posibleng panibagong money making modus operandi ng mga state forces ay ipinasasailalim din sa special audit ang intelligence at confidential funds ng defense sector.

Facebook Comments