Pagsulong ng MUP reform bill, inaasahan ng DOF

Umaasa ang Department of Finance (DOF), na maisusulong ang approved version ng military and uniformed personnel (MUP) pension reform bill sa bansa.

Sa weekly press chat, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang agenda sa reporma sa pension system ng DOF ay nasa mahabang proseso pa.

Aniya, dadaan muna ito sa bersyon ng Kamara at sa Senado, at kung mayroong hindi sumasang-ayon na mga probisyon ay magkakaroon ng kompromiso.


Sa kasalukuyan, walang kontribusyon sa kanilang pension fund ang military at uniformed personnel, at buong pinopondohan ng pamahalaan sa ilalim ng national budget.

Kabilang sa mga repormang ipinanawagan sa sistema ay mandatory na kontribusyon sa mga bagong tauhan, at mga bagong active personnel.

Noong Martes, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 8969, na nag-alis ng probisyon na nagmamandato sa aktibong miyembro na mag-ambag sa kanilang pension fund.

Nauna na ring sinabi ng DOF, na aabutin ng anim na dekada para maging sustainable ang MUP pension system kung tanging ang new entrants lamang ang bibigyang mandato na magbigay ng kontribusyon para rito.

Facebook Comments