Pagsunod ng telcos sa Data Privacy Act, dapat tiyakin sa harap ng napipintong pagpapatupad ng SIM Card Registration Act

Pinatitiyak ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa telecommunications companies ang mahigpit na pagsunod sa Data Privacy Act lalo na sa oras na ipatupad ang SIM Card Registration Act.

Paliwanag ni Salceda, ang telcos ang magiging pinakamalaking may-ari o tapag-ingat ng identity information ng mga gumagamit ng SIM cards at malaking panganib kung mapasakamay ito ng mga masasamang indibidwal o mga kriminal.

Dahil dito ay iginiit ni Salceda na ipaloob sa gagawing implementing rules and regulations ng batas ang mekanismo at mahigpit na patakaran na kailangang gawin ng mga telcos para maproteksyunan ang data privacy.


Iminungkahi rin ni Salceda ang pagbuo ng mga telco ng grievance mechanisms tulad ng pagkakaroon ng mga hotline para tumanggap ng mga reklamo o problema ng subscribers.

Higit sa lahat, sinabi ni Salceda na dapat may nakalatag ng hakbang sakaling magkaroon ng aberya sa data privacy o makalabas ang mga personal na impormasyong hawak ng mga telco.

Nais din ni Salceda na maging madali at abot-kaya ang proseso ng pagpaparehistro ng SIM cards para hindi ito makabigat sa mga mahihirap.

Facebook Comments