Pagsunog ng NPA sa Hydro Power Plant sa Mindoro, kinondena ng Phil Army

Mindoro – Mariing kinondena ni Major General Rhoderick M. Parayno, Commander ng Philippine Army 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division ang panununog ng NPA sa Sta. Clara Hydro Power Plant sa Barangay Malvar, Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Parayno, ang pag-atake ng NPA sa isang “soft target” na nag-su-supply ng kuryente sa mga sibilyan at walang dahilang “military necessity”, ay patuloy na paglabag ng mga komunista sa International Humanitarian Law.

Ayon naman kay Colonel Marceliano V. Teofilo, Commander ng 203rd Brigade, dahil sa pagsunog ng NPA sa 8-Megawatt powerplant, ay walang kuryente ang mga mangyan tribal communities sa lugar.


Sinisi ni Col. Teofilo ang NPA sa paghadlang ng kaunlaran sa lalawigan ng Mindoro.

Ayon kay Teofilo, sinunog ng NPA ang naturang planta para lang ma-divert ang atensyon ng mga tropang tumutugis sa kanila.

Batay sa report, bandang 4:30 ng hapon noong Lunes nang pasukin ang planta ng 6 na armadong lalaki na nakasuot ng military fatigues na nagdeklarang sila’y NPA.

Ilang minuto ang nakalipas ay dumating ang 20 pang armadong NPA na pina-pila ang mga empleado ng planta at kinumpiska ang kanilang mga personal na gamit, bago binuhusan ng gasolina ang mga trak, opisina at warehouse ng planta at sinilaban ito.

Facebook Comments