Pagsuong ng publiko sa baha para magpabakuna, hindi masama- Galvez

Walang nakikitang masama si Vaccine Czar Chief Implementer Carlito Galvez Jr., sa pagsuong sa baha ng publiko para lamang magpabakuna laban sa COVID-19.

Ang pahayag ay ginawa ng kalihim, kasunod na rin ng pagpila ng mga residente sa San Andres Sports Complex vaccination sa Maynila kahapon kahit pa bumabaha dulot ng sama ng panahon.

Ayon kay Galvez, dapat pa aniyang tignan ito sa positibong aspeto dahil kahit bumabagyo at bumabaha, marami pa rin ang nagtiyagang magpabakuna.


Paliwanag ng kalihim na mas mainam umano kung gawin at palakasin na lamang ang vaccination activities sa mga mall dahil kahit anong panahon ay pwedeng maisagawa ang pagbabakuna laban sa COVID-19.

Pinaalalahanan din ng kalihim ang publiko na tiyakin na nasusunod ang ipinatutupad na health protocols upang maiwasan na maghawaan ng COVID-19.

Ini-report naman ni Galvez, mula kahapon na umabot na aniya sa kabuuang 337, 349 ang nabakunahan sa buong bansa sa isang araw, 200,168 nito aniya ay para sa second dose.

Bagama’t matuturing pa rin na pinakamataas ang naitalang bilang ng nabakunahan noong July 14 na umabot sa 391 libong katao.

Facebook Comments