Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sapat na ang isang face mask at face shield bilang proteksiyon sa COVID-19.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng American doctor na si Dr. Anthony Fauci na mas epektibo ang paggamit ng dobleng face mask para hindi mahawa ng virus lalo na ang bagong UK variant.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang matibay na ebidensiya sa naging pahayag ni Dr. Fauci.
Kung mapapansin aniya, simula nang ipatupad ang paggamit ng face shield bukod sa face mask ay hindi masyadong sumirit ang COVID case sa bansa at kung tumaas man ang kaso sa ilang pagkakataon ay napapangasiwaan ito ng mga manggagamot.
“If there is enough evidence that can provided para dito sa double masking. Because I think, yung pong isang mask na suot-suot natin plus the face shield is enough for us to get protected. Mapapansin po natin ano that from the time that we implemented a mask and a face shield hindi na po masyadong nagba-balloon, although tumataas ang kaso pero nama-manage po natin.” ani Vergeire
Pero kung sakali aniyang mayroong sapat na ebidensiya sa pahayag ni Dr. Fauci ay maaari nilang irekomenda ito sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Giit ni Vergeire, ang isang face mask ay naggagarantiya ng 60 hanggang 70% proteksyon at kung ginamitan pa ng face shield at sumunod sa social distancing ay mayroong 99% proteksiyon ang mga tao laban sa COVID-19.