
Ikinalugod ni House Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno ang pagsuporta ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ang pahayag ay kasunod ng naging mensahe ni Sotto matapos pagtibayin ng Supreme Court ang una nitong deklarasyon na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Puno, mahalaga ang kooperasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang magtagumpay ang anumang seryosong reporma.
Diin niya, hindi maisasakatuparan ang Charter change kung mag-isa lamang kikilos ang Kamara at walang suporta mula sa Senado.
Magugunitang noong November 11 ng nakaraang taon ay inihain ni Puno, kasama ang iba pang kongresistang miyembro ng National Unity Party, ang House Bill No. 5870, na naglalayong magsagawa ng Constitutional Convention upang amyendahan ang 1987 Constitution.










