Pagsuspinde ng Ombudsman kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro dahil sa hindi tamang paggamit ng pondo para sa kalusugan, ikinatuwa ng isang professor

Welcome development para sa isang professor ang naging desisyon ng Ombudsman sa pagsuspinde ng anim na buwan kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro dahil sa hindi tamang paggamit ng pondo sa kalusugan sa halip ay nagamit sa trip sa Vietnam ni Marikina Mayor Marcy at iba pang gastusin walang kinalaman sa kalusugan.

Matatandaan na kwinestyon ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng Marikina City Government sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro, ng milyon-milyong pisong pondo na inilaan para sa mga programa at serbisyo sa kalusugan pang pondohan ang biyahe sa Vietnam, pagsasaayos ng imprastraktura, pagbili ng kagamitang elektrikal, at iba pang gastusin na isang paglabag sa Universal Health Care Act at iba pang batas.

Ayon kay Professor Sofronio Dulay, natuklasan umano ng Commission on Audit o COA na nabigong buuin ng administrasyon ni Mayor Teodoro ang Special Health Fund (SHF) na itinatakda ng Republic Act 11223 o Universal Health Care (UHC) Law.


Napag-alaman ani Dulay na isa sa mga pinakatampok na natuklasan ng COA ay ang cash advance na P2.3 milyon para sa gastusin ng mga opisyal ng lungsod patungong Ho Chi Minh City, Vietnam. Nakasaad ito sa disbursement voucher 300-2309000105 na may petsang Setyembre 6, 2023.

Kasama sa mga dokumentong isinama sa liquidation ng gastos ang awtorisadong travel order ni Mayor Teodoro, mga liham mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at resibo ng gastusin.
Ngunit ayon sa COA, walang ebidensyang magpapatunay na may kinalaman ang biyahe sa alinmang health program ng lungsod.

Bukod pa rito, nadiskubre rin ng COA ang paggamit ng health fund para sa pagbili ng pagkain, inumin at iba pang mga gastusin na anila’y wala ring kaugnayan sa tunay na layunin ng pondo.

Bukod sa mga nabanggit, kinuwestiyon din ng COA ang hindi maayos na accounting ng PhilHealth reimbursements ng lungsod mula Setyembre 8, 2023 hanggang Abril 30, 2024.

Napansin din ang hindi tamang realignment ng P130 milyon noong Setyembre 6, 2023, at P94.75 milyon noong Enero 31, 2024.

Facebook Comments