Pagsuspinde ng tax sa produktong petrolyo, nasa kamay na ng Kongreso —DOE

Walang kapangyarihan ang Department of Energy (DOE) para suspindehin ang VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo.

Tugon ito ng ahensya kasunod ng panawagan ng ilang transport groups na suspendihin na lamang ang fuel tax para bumaba ang presyo ng langis.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOE Officer-in-Charge Sharon Garin na ang Kongreso ang siyang dapat na umaksyon kung kailangan itong amyendahan o i-abolish.

Hindi aniya nila basta-basta maaaring suspendehin ang tax sa produktong petrolyo dahil hindi ito minamandato ng batas.

Ayon kay Garin, ang saklaw lamang ng kanilang mandato ay ang suspensyon sa pagtaas ng presyo petrolyo at hindi ang mismong suspensyon sa tax.

Sinabi pa ni Garin nasa P300 billion ang koleksiyon ng gobyerno mula sa excise tax at VAT na source of funds ng pamahalaan para makapagpatayo ng school buildings, kalsada, at iba pang mga health services.

Facebook Comments