Pagsuspinde sa 25% tax sa pribadong paaralan, ikinalugod ng mga senador

Pinasalamatan ni Senator Sonny Angara ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagsuspinde sa 25-percent na buwis sa mga pribadong paaralan.

Naghain na rin si Angara ng panukala para amendyahan at gawing malinaw ang probisyon sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act na layuning ibaba sa 1% ang 10% na buwis sa educational institutions.

Nagpasalamat din si Senator Sherwin Gatchalian dahil umaayon aniya ito sa layunin ng CREATE law na ibaba ang buwis sa private schools mula July 1, 2020 hanggang June 30, 2023 upang pagaanin ang epekto ng COVID-19 pandemic.


Ikinalugod din ito ni Senator Risa Hontiveros, na nagsabing ang mataas na buwis ay lalong magpapahirap sa ating mga pribadong paaralang humaharap na sa mga pagsubok ng distance education at mas bumabang enrollment turnout dahil sa pandemya.

Sabi naman ni Senator Richard Gordon, makakatulong ang pasya ng BIR sa mga pribadong paaralan na nagdurusa dahil sa krisis na dulot ng pandemya.

Ayon kay Gordon, kailangang tulungan ang mga paaralan dahil malaki ang papel ng mga ito sa development ng mga bata at paglinang sa kanilang kakayahan.

Suportado rin ni Senate President Ralph Recto ang hakbang ng DOF at BIR pero pansamantalang solusyon lang ito at mas mainam na maipasa agad ang panukala na magbibigay linaw sa probisyon sa CREATE law na nagtatakda ng mabanang buwis sa mga paaralan.

Facebook Comments