Hinikayat ni Senator Koko Pimentel ang papasok na Marcos administration na suspendihin ang excise tax sa petrolyo para matulungan ang mamamayan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Paliwanag ni Pimentel, kailangang suspendihin muna ang pagpapataw ng buwis sa petrolyo habang hinihintay na magkaroon ng batas para tuluyan itong matanggal.
Sa pagpasok ng 19th Congress ay plano rin ni Pimentel na maghain ng panukalang batas para tuluyang maalis ang excise tax sa petrolyo.
Kasama din sa mungkahi ni Pimentel na i-unbundle na ang presyo ng petrolyo o obligahin ang oil companies na isapubliko ang batayan ng presyo nito para matukoy kung alin ang maaring tanggalin upang mapababa ang presyo.
Ang pagtanggal sa excise tax ay kabawasan sa koleksyon ng pamahalan pero diin ni Pimentel, kailangan talaga na maghigpit ng sinturon o magtipid ng husto.
Sabi ni Pimentel, magagawa ito sa pamamagitan ng pagsantabi sa mga vanity projects o mga proyekto at pinagkakagastusan na hindi naman lubos na kailangan.