Muling nanawagan ang ilang transport group na suspindehin ang excise tax sa langis kasunod ng mataas na presyo ng oil products.
Ayon kay Piston President Mody Floranda, awtomatikong mababawasan ng hanggang anim na piso sa kada litro ng oil products ang pagsuspinde rito.
Magreresulta ito aniya sa pagbalik ng kita ng mga tsuper at pagbaba ng mga bilihin.
Kinumpirma naman ni Press Undersecretary at Officer-in-charge Cheloy Garafil na isa ito sa mga pinag-usapan sa Cabinet Meeting kahapon pero sinisilip pa rin ng mga ito ang iba pang opsyon.
Nakatakda namang maglabas ng plano at programa ang gobyerno upang tugunan ang mataas na presyo ng langis sa lalong madaling panahon.
Sinisilip naman ang Cadlao Oil Field sa Palawan bilang source ng langis sa mga susunod na buwan na maaaring pagkuhanan ng lima hanggang anim na milyong bariles ng langis sa susunod na taon.
Mababatid na nagpatupad ng taas presyo kahapon ang mga oil companies ng ₱1.20 sa kada litro ng gasoline, ₱3.50 sa kada litro ng Kerosene at tumatagingting na ₱6.85 sa kada litro ng diesel.