Pagsuspinde sa excise tax sa langis, muling ipinanawagan ni Robredo

Muling nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na suspendihin muna ang excise tax sa langis.

Sa harap ito ng sunod-sunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo ang posibleng matinding epekto ng walang humpay na oil price increase hindi lamang sa transport sector kundi maging sa iba pang trabaho na umaasa sa krudo.


Aniya, hindi lamang naman ang mga direktang gumagamit ng gasolina ang apektado ng sunod-sunod na taas-presyo sa langis dahil maaari rin itong magresulta ng pagmahal ng mga bilihin.

“Sana kapag may extraordinary na ganito, na pataas nang pataas yung presyo, automatic na [suspensyon ng excise tax], hindi na yung hihingin mo pa. Kasi nasa TRAIN Law naman ito di ba? Pwedeng i-suspend kapag 3 months na sunod-sunod yung pagtaas ng presyo,” ani Robredo.

“Tsaka magbigay ng ayuda. Hindi lang transport pero yung lahat ng sektor na umaasa sa krudo sa kanilang pagha-hanapbuhay,” dagdag niya.

Aminado naman si Robredo na nalulungkot siya na dahil kung kelan malapit na ang eleksyon ay tsaka dumami ang mga nananawagan na suspendihin ang excise tax.

Gayunman, naniniwala siya na hindi pa huli ang lahat at mas mapapakinggan na sila ng pamahalaan.

“2018 pa, nananawagan na tayo ng suspension ng excise tax on fuel, di ba? Kaya lang siguro dahil oposisyon tayo, minamasama at nakakalungkot lang na kung kelan mag-e-eleksyon tsaka lang may magjo-join dun sa chorus natin,” saad ng bise president.

“Pero hindi pa rin huli, kasi dapat naman talaga kapag may hindi magandang nangyayari, ipinapaabot natin yung boses natin.”
“Pero mas masaya ako, Ka Ely na mas marami na kaming humihiling, baka maaaksyunan na,” aniya pa.

Taong 2018 pa nang unang ipanawagan ni Robredo ang pagsuspinde sa excise tax sa langis dahil sa naging matinding epekto nito sa mga pangunahing bilihin.

Kamakailan lamang nang manawagan na rin ng suspensyon sa excise tax sina Manila Mayor Isko Moreno, dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at Senator Panfilo “Ping” Lacson na kapwa mga presidential aspirant sa 2022.

Facebook Comments