Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspensyon ng operasyon ng lahat ng branch ng Chuzon Supermarket.
Ito ay matapos gumuho ang isa sa mga grocery nito sa Porac, Pampanga kasunod ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Zambales nitong Lunes.
Ayon sa Pangulo – nais niyang patawan ang Chuzon ng cease and desist doing business hanggang sa mabigyan muli sila ng clearance ng gobyerno.
Gusto ring malaman ng Pangulo kung anong klaseng materyales ang ginamit sa pagpapatayo ng grocery stores.
Bilang tugon, mag-iisyu ang DILG ng memorandum circular sa mga Local Government Units (LGUs) na may Chuzon Store sa kanilang jurisdiction na pansamantalang suspendihin ang business permit hanggang sa masailalim sa pre-assessment ang structural integrity ng mga supermarket.
Maliban sa Porac, Pampanga – ang Chuzon ay may branch sa Sto. Tomas, Apalit, Guagua, at Floridablanca sa Pampanga, maging sa Gerona, Tarlac at Mariveles, Bataan.