Pinapasuspinde ni PBA Partylist Rep. Margarita Nograles sa National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Sonshine Media Network Inc. o SMNI.
Sa inihaing House Resolution 1499 ay binigyang-diin ni Nograles na nakagawa umano ng paglabag ang SMNI sa “terms and conditions” ng kanilang prangkisa sa ilalim ng Republic Act 11422.
Tinukoy sa resolusyon na hindi umano natupad ng SMNI ang mandato nito na huwag gamitin ang kanilang istasyon o pasilidad sa pagpapakalat ng “false” o maling mga impormasyon.
Kasama din dito ang paglalabas ng balanced o patas na mga programa, pagsusulong ng “public participation,” at pag-ayon sa ethics ng tapat na negosyo at marami pa.
Giit ni Nograles, tungkulin ng NTC na kumilos habang nakabinbin pa ang rekumendasyon ng House Committee on Legislative Franchises ukol sa mga paglabag ng SMNI pangunahin ang report nito na gumastos ng 1.8 billion si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na wala namang katotohanan.