Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na masusing pag-aralan ang pagsuspinde sa biyahe ng mga Locally Stranded Individuals (LSIs) sa kani-kanilang probinsya.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, binanggit ni Robredo ang isang insidente sa Naga City kung saan dalawang returnees ang mayroong COVID-19 na bumiyahe sa pamamagitan ng pribadong sasakyan na walang koordinasyon.
Nahawaan nila ang kanilang mga kamag-anak na nakatira sa lungsod.
Sinabi ni Robredo na bagama’t may mga ipinapatupad na protocol ang bawat Local Government Units (LGU) ay wala silang kakayahan na bantayan ang mga pribadong sasakyang pumapasok sa kanilang nasasakupan.
Bago ito, inanunsyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang suspensyon ng biyahe ng mga LSIs sa Region 6 at 8 sa loob ng dalawang linggo na nagsimula kahapon, June 28.