Ipalalabas na ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang order sa pagsuspindi sa prangkisa ng Jumbo Transport Inc. na nasangkot sa madugong sakuna sa Subic-Clark-Tarlac Expressway sa Concepcion, Tarlac.
Sa isang kalatas, sinabi ng LTFRB na maglalabas ito ng preventive suspension laban sa Jumbo Transport Inc. matapos na ang isang tourist bus nito ay sumalpok sa isang truck sa SCTEX na nagresulta sa pagkasawi ng lima katao at pagkasugat ng 49 na iba pa.
Sa imbestihasyon ng LTFRB Region 3, lumilitaw na ang kumpanya ng bus ay may hawak na tourist franchise na may ten units ay magpapaso sa December 10, 2021 at ang inaprubahang ruta ay mula Las Piñas hanggang sa alinmang parte ng Luzon.
Sa ngayon ay tinutukan muna ng LTFRB ang pag-aasikaso sa mga biktima ng trahedya.
Nakapagpalabas na ang insurance company ng inisyal na P400,000.00 para i-cover ang insurance assistance ng mga biktima.
Agad na ring inatasan ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang LTFRB Region 3 para magsagawa ng sariling imbestigasyon.
Batay sa report na hawak ng ahensya patungo ng Baguio at mabilis ang takbo ng bus na may plakang BEK 523 nang bumangga sa likod ng sinusundang truck sa bahagi ng SCTEX sa Concepcion, Tarlac.