Pagsuspindi sa fuel excise tax, inihirit pa ng ilang kongresista

Ilan pang kongresista ang humirit na rin para sa agarang pagsuspindi ng fuel excise tax.

Ayon kay Magsasaka Partylist Rep. Argel Cabatbat, bagamat may fuel subsidy na inilaan ang pamahalaan para sa mga manggagawa ng agrikultura at transportasyon, kulang ito para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Aniya, napakaliit ng limandaang milyong piso na fuel discount para sa milyon milyong magsasaka, mangingisda at maghahayop sa bansa.


Hindi rin aniya magkakasya ang naturang halaga lalo na kung tumagal pa ang girian sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Dagdag pa ng deputy minority speaker ng Kamara, ang pag-suspinde sa fuel excise tax ang pinakanapapanahong solusyon sa paglobo ng halaga ng petrolyo, dahil kaya nitong tapyasan agad-agad ang presyo ng krudo kada litro ng lima hanggang sampung piso.

Facebook Comments