Isinusulong ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan ang pagkakaroon ng “qualifying examination for acceleration” para sa mga mag-aaral na hindi makakapag-aral bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ang rekomendasyon ng kongresista ay kasunod ng milyun-milyong mga estudyante na hindi makakapag-aral sa pasukan bunsod ng iba’t ibang kadahilanan.
Ayon kay Cabochan, sa huling tala ng Department of Education (DepEd) ay umabot sa apat na milyon na mga kabataan sa private at public schools ang hindi nakapag-enroll.
Sa ilalim ng House Bill 6994 ay magbibigay ang DepEd ng “qualifying examination for acceleration” para sa mga estudyanteng hindi makakapag-aral bunsod ng state emergency o calamity tulad ng nararanasan ngayon na pandemya.
Kung makapasa ang isang estudyante ay mabibigyan ito ng pagkakataon na umangat sa susunod na academic level o antas.
Layunin ng panukala na hindi mapag-iwanan sa edukasyon ang maraming mag-aaral dahil sa hindi nakapag-enroll, walang gadget, mahinang signal o kaya naman ay mahirapang makasabay sa bagong learning modalities.