Pagsusulong ng Anti-Terrorism Bill sa gitna ng COVID-19 pandemic, pinuna ni Vice President Leni Robredo

Kinuwestyon ni Vice President Leni Robredo kung bakit minamadali ng mga mambabatas ang pagpasa sa Anti-Terrorism Bill sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nabatid na sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang House Bill 6875 na layong amiyendahan ang Human Security Act of 2007.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, ipinunto ni Robredo na kinakaharap ng bansa ang isa sa pinakamalaking health crisis sa kasaysayan, pero mas inuuna pa aniya ng mga mambabatas na tutukan ang kontrobersyal na panukala.


Binanggit din ni Robredo na may ilang mambabatas ang nag-withdraw o umatras sa kanilang authorship sa proposed bill dahil ang kanilang mga kapwa mambabatas ay ayaw amiyendahan ang Senate version na in-adopt ng Kamara.

Napunan rin ng Bise Presidente ang ilang probisyon sa panukala, tulad ng pagpapalawak ng depinisyon ng terorismo at pagtatanggal ng parusa sa mga law enforcer na nakagawa ng maling pag-aresto.

Sa ngayon, pirma na lamang ni Pangulong Duterte ang hinihintay para maging ganap na batas ang panukala.

Facebook Comments