Pagsusulong ng cha-cha sa 19th Congress, hindi dapat maging prayoridad ng Marcos administration

Tinuligsa ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang muling pagsusulong sa Kamara sa Charter Change o cha-cha.

Mababatid na inihain ni Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., ang Resolution of Both Houses No. 1 kung saan pangunahing itinutulak dito ang pagkakaroon ng limang taong fixed term na may isang beses na reelection para sa Presidente at Bise Presidente.

Punto ng progresibong kongresista, masyadong “self-serving” ang probisyon na ito ng cha-cha na hindi dapat iprayoridad ng administrasyong Marcos.


Giit ni Castro, hindi naman solusyon sa mga problema ng bayan ang cha-cha partikular ang pagpapahaba sa termino ng mga pinuno ng bansa at sa halip ay mas maraming problema na dapat tugunan tulad ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, umiiral na krisis pangkalusugan, unemployment, at tumitinding krisis sa edukasyon.

Hinimok din ni Castro ang publiko na i-reject ang anumang pagtatangka ng pamahalaan na maisulong at mapagtibay ang chacha ngayong 19th Congress.

Ang mas dapat aniyang pagtuunan ng pansin ngayon ng gobyerno ay ang dagdag na sahod, pagpapababa sa presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, trabaho at ligtas na pagbabalik sa mga paaralan ng mga mag-aaral.

Facebook Comments