Pagsusulong ng free legal assistance para sa mga pulis at sundalo, ipinagpasalamat ni PNP Chief Guillermo Eleazar

Nagpasalamat si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pagtutulak ng libreng tulong legal para sa mga pulis at sundalo.

Sa kaniyang huling State of the Nation Address (SONA) kahapon, hinimok ni Pangulong Duterte ang Kongreso na magpasa ng batas na magbibigay ng libreng tulong legal sa mga sundalo at pulis para matulungan sila sa mga kinakaharap nilang kaso na may kaugnayan sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Ayon kay PGen. Eleazar, ikinatuwa nila ang pahayag na ito ng pangulo at sinabing malaking tulong ito para sa kanilang mga tauhan na walang kakayahang magbayad ng abogado.


Samantala nagpasalamat din si PNP chief sa pangulo sa panawagan nito para sa unified pension system para sa mga nasa unipormadong hanay.

Aniya malaking bagay ito para sa mga nagsakripisyo at nag-alay ng matagal na panahon para proteksyunan ang bayan at mamamayan.

Siniguro pa ni Eleazar ang kanilang pakikiisa sa mga gagawing talakayan sa Kongreso kaugnay dito.

Facebook Comments