Aprubado na sa House Committee on Overseas Workers Affairs ang substitute bill ng panukala para sa pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga Filipino seafarers.
Sa ilalim ng inaprubahang substitute bill, masisiguro ang proteksyon ng mga seafarers tulad ng proper work condition, pantay at patas na employment terms at sapat na career opportunity.
Bukod dito, isinusulong din ang mga nararapat na benepisyo at pagsunod sa pagpapatupad ng standards ng Maritime Labour Convention of 2006.
Kasabay ng pag-apruba sa panukala ay tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy ang kanilang ugnayan sa mga bansang Japan, China at South Korea gayundin sa United Arab Emirates para sa search and rescue operation ng mga Pilipinong tripulante sakay ng Gulf Livestock 1 cargo.
Matatandaan na lumubog ang naturang cargo ship sa karagatan ng Japan kung saan sakay nito ang 39 na Filipino seafarers.
Nakahanda naman ang Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA) para tulungan ang mga naiwang pamilya ng mga seafarers, kabilang na rito ang death at burial benefits, livelihood benefits, financial assistance at scholarship hanggang kolehiyo para sa mga dependents.