Pagsusulong ng soberenya at pagprotekta sa ating teritoryo, hindi nangangahulugan ng pakikipag-gera

Iginiit ni Senator Grace Poe na dapat nating protektahan ang anumang nararapat para sa mamamayang Pilipino.

Reaksyon ito ni Poe sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring mauwi sa madugong sagupaan ang sitwasyon kapag pinilit ng Pilipinas na igiit ang pang-angkin sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Paliwanag ni Poe, ang pagsusulong ng ating soberenya, gayundin ang pagbibigay proteksyon sa ating mangingisda at likas na yaman ay hindi pagdedeklara ng gera.


Ayon kay Poe, maraming paraan para igiit ang ating soberenya tulad ng paghingi ng tulong sa international community, kabilang ang ating mga kalapit at kaalyadong bansa.

Inihalimbawa ni Poe ang simpleng pagpuna natin sa presensya ng foreign vessels sa West Philippine Sea na agad nag-udyok ng pagkilos sa ating mga kaalyadong bansa.

Pinuri rin ng senador ang paninindigang ipinakita ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) na naging dahilan sa pagbabawas ng mga dayuhang barko sa West Philippine Sea.

Hiling niya, iwagayway natin ang ating pambansang watawat at hindi ang puting watawat ng pagsuko.

Facebook Comments